Biyernes, Setyembre 26, 2014

10


Malamang hindi mo na iintindihin ang aking nararamdaman sa mga oras na ito. Sapagkat ika'y nasa kanyang mga bisig. Nakangiti, nakatahan. Sa nakalipas na mga taon ikaw ay nanahan sa aking puso't isipan. Kahit na marami na silang nagdaan, nananatili ka parin. Nakaukit ng malalim.

Pinilit kong iahon ang sarili ko mula sa aking pinagmulan. Alam kong hindi mo ako matatanggap kung nasa lugar parin ako ng mga baliko ang mga landas na tinatahak. Sinubukan kong maging kagaya ninyo.

Ngunit ako ay kanilang nilamon, nahawa ako sa kanilang sakit. Para akong isang puno na lapastangang pinuputol. Hanggang sa tuluyan akong bumagsak. Natuyo na ang luha at ninamnam ang parusang natanggap. Hindi na ako naniwala sa sinasabi mong pag-asa at mga rason mo para ngumiti.

Ilang taon din tayong nagkahiwalay. Nabalitaan kong bago na ang iyong kasintahan sapagkat nagkaroon kayo ng alitan ng iyong nakaraan. Isa siyang manggagamot katulad mo. Isang araw, dumating ang panahong aking pinakahihintay. Mapapantayan ko na kayo ng tuluyan. Hawak ko na ang papel na magdadala sa akin sa itaas.

Pagpipursige ang tanging tangan sa araw araw, kayod-kabayo. Ngunit makalipas ng 4 taon ako ay nalason sa karangyaan at sa makamundong pagnanasa. Nabulag ako at tuluyan kang natabunan. Bumagsak ako sa ikalawang pagkakakataon.

Nananaig ang kawalan ng pag-asa sa aking kaluluwa. Maski ang aking katawan ay di na nakaisama. Hindi ko na masisilayan ang iyong mukha at mahahawakan ang iyong mga kamay. Sapagkat inangkin ka na niya. Inisip kong natabunan na rin ako kaya hindi mo na ako nakikita.

Nabigyan ako ng pagkakataong magibang bansa. Naranasan ko lahat ng mga hindi ko pa nararanasan. Mga ninanais na nakukuha. Kapangyarihang inaasamasam noon. Handa na akong lumaban. Kaunting panahon na lang at uuwi akong may armas mula sa mga posibleng batikos ng mga tao sa iyong paligid. Hinding hindi mo ako ikakahiya. Ipagmamalaki mo na ako. Magkakasama na tayo sa wakas.

Isang araw, habang abala ako sa aking trabaho. May kung anong tumawag ng pansin upang buksan ang pintuan ng totoong mundo. Normal ko siyang pinagmamasdan. Ngunit tumigil ang oras nang makita kitang kasama niya.

Nakatraje de boda
May kolorete sa mukha
Hawak ay isang bugkos na bulaklak
Nakangiti
Masaya....

Lahat ng pangarap ko nawala. Lahat ng plinaplano ay nasira. Nalunod ako sa katahimikan.


Nang magkaroon ako ng ulirat...

Ito lamang ang aking nasambit kasabay ng pagdaloy ng luha sa kaliwang pisngi..

"Paalam, Crisanta."

Huwebes, Setyembre 25, 2014

9

Mahal ko siya.

Naging dahilan ng aking mga ngiti at pagpasok ko ng maaga sa eskuwelahan.
Naging dahilan kung bakit patuloy ang paninilbihan ko sa simbahan.
Naging dahilan kung bakit nagpursige sa pagaaral.
Naging dahilan kung bakit minahal ko ang buhay.
Naging dahilan upang maniwala na maabot ng lupa ang langit.
Na mamahalin ng matalino ang mangmang
Na magkakasundo ang anak ng Espanyol sa isang mangangalakal mula sa Tsina, sa isang Indio na anak lamang ng isang mananahi at magsasaka.

Namuhay sa mundo na pinapaandar ng tinta. Ginawang makulay ang mga linyang itim at gumagalaw ito mula sa kaisipan. Gusto mang tumakas ngunit sa dugo ito ay dumadalantay. Bawat letra ay hindi nakaligtas na mawala, na maimarka, upang manatili. Upang maitago.

Nang dahil din sa balita na sumugat, ito ay muling nabuhay. Bumalik lahat ang mga alaalang natabunan at dapat nang makalimutan. Isang kasinungalingan na pagbubunyi. Para magalak.

Mahal ko siya. Kaya hindi na ako lumaban. Sapagkat hindi ako ang nararapat. Hindi ako ang dahilan. Kaya ako nanahimik. Kaya nagdurugo parin. Sawi. Malungkot. Kailangan kong tanggapin, kailangan kong kimkimin.

"Paalam, Crisanta."